MANILA, Philippines — Isang propaganda lamang ang ginawang “rescue” ng People’s Liberation Army Navy (PLAN) sa isang mangingisdang Pinoy at ang malinaw ay ang panghihimasok nila sa soberenya dahil sa presensya nila sa West Philippine Sea, ayon sa pananaw ng lider ng mga makabayang grupo.
Noong Disyembre 26, inilabas ng Embahada ng Tsina sa Maynila sa Facebook ang sinasabi nilang makataong pagtulong na pagbibigay ng pagkain at tubig ng isang barko ng PLAN sa mangingisdang si “Mang Larry” at sinabing may koordinasyon sila sa gobyerno ng Pilipinas.
“Hindi ito usapin ng simpleng pagtulong,” ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia. “Ito ay pagtatangkang baguhin ang naratibo upang tabunan ang matagal nang rekord ng pananakot at panghihimasok.”
Ang malinaw aniya ay ang iligal na presensya nila sa katubigang sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa Zambales.
Una nang itinanggi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Jay Tarriela ang pahayag ng China at sinabing walang abisong ipinarating sa kanila at wala ding katotohanan na may 3 araw nang palutang-lutang ang mangingisda dahil wala pang 24 oras ito na napahiwalay, nakatali umano ito sa payao, at pabalik na sa mother boat.
“Kung walang hurisdiksyon, ang presensya ay paglabag,” diin ni Goitia. “Kahit pa ito’y balutan ng makataong pananalita.”
No Comments Yet...