MANILA, Philippines — Arestado sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang administrative officer IV ng Department of Justice (DOJ) matapos matuklasan ng kagawaran ang ginagawang pagmanipula at pagbubulsa sa benepisyo ng regional prosecutors.
Ayon kay NBI Spokesperson Atty. Palmer Mallari, natuklasan ng DOJ ang payroll irregularities para sa benepisyo ng regional prosecutors ng suspek na hindi na pinangalanan. Ito ang may hawak ng payroll kaya nagawa niyang muli ang pag-activate ng payroll accounts ng mga retirado, nag-resign at inactive prosecutors na inilipat sa ibang account.
Sa mismong Payroll Section ng DOJ sa Maynila inaresto ang suspek sa isang entrapment operation, hapon ng Disyembre 22 matapos kumpirmahin ng bangko na pumasok na sa mga “mule accounts” ang Performance Enhancement Incentive (PEI) at Special Recognition Incentive (SRI).
May mga kasabwat ang suspek na ibang tao tulad ng kamag-anak at kaibigan na nag-open ng bank account kung saan ipinapasok ng suspek ang mga nasabing benepisyo.
Nahaharap na ang suspek at kanyang mga kasabwat sa mga kasong kriminal kaugnay sa pagnanakaw ng pondo ng gobyerno.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang suspek sa patung-patong na kaso kabilang ang paglabag sa Republic Act 3019, RA 8484 (An Act Regulating The Issuance and Use of Access Devices), Computer-Related Forgery at Computer-Related Fraud ng RA 10175, Anti-Financial Account Scamming Act at iba pa.
No Comments Yet...