MANILA, Philippines — Nagpadausdos at hindi itinulak si dating DPWH Undersecretary Ma. Catalina Cabral.
Ito ang sinabi ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng ipinakitang three-dimensional o 3D scan na isinagawa upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ni Cabral.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Forensic Group officer-in-charge Col. Pierre Paul Carpio na base sa 3D scan ng crime scene sa Tuba, Benguet, bumagsak si Cabral sa lugar na 0.2 meters lamang ang layo mula sa paanan ng bangin, mula sa tinatayang 16.9 metrong taas kung saan siya huling nakita.
Ayon kay Carpio, mas malayo ang paghuhulugan ni Cabral kung ito ay itinulak.
Nakitaan din ng mga gasgas sa kamay at likod ng biktima na indikasyong posibleng nagpadausdos pababa si Cabral sa halip na tuluyang bumagsak.
Lumilitaw sa autopsy report na tinatayang namatay si Cabral bandang alas-3:00 hanggang alas-5:00 ng hapon noong December 18, sanhi ng “blunt traumatic injuries” dahil sa pagbagsak mula sa mataas na lugar.
Dagdag pa ng PNP, ang postmortem fingerprints mula sa labi ni Cabral at ang computer-generated fingerprints mula sa National Bureau of Investigation ay iisang tao na nagpapatibay sa pagkakakilanlan ng biktima.
Samantala, lumabas din sa paunang toxicology report ng Cordillera police forensic unit na positibo sa antidepressant si Cabral.
Patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari sa likod ng pagkamatay ng dating opisyal.
No Comments Yet...